People Management

Unang-una’y nagkamali kayo na ako ang inanyayahan ninyong magbigay ng keynote. Ang dapat na inaanyayahan ninyo ay ang aking misis, na si Remedios Cruz, na ngayo’y dekana ng Business sa National University, dating nagtuturo ng HR sa Ateneo at La Salle, at matagal na namuno sa HR ng Far East Bank at China Bank. Naging HR consultant pa siya sa Malaysia, Germany, at England. Mabuti na lang at misis ko siya, kasi’y hindi ako kailangang magriserts tungkol sa HR dahil alam ninyo naman na wala akong alam dyan. Ginawa ko na lang siyang konsultant ko, unpaid at forced consultant, at tinanong ko siya kung ano ba ang HR.

Ang sabi sa akin ng misis ko, anim daw ang aspekto ng HR. Unang-una’y Manpower Planning, na ang ibig sabihin pala ay dapat na kasama ang namumuno sa HR sa pinakamataas na mga policy-making body ng isang kompanya, o para sa atin ngayon, ng isang kolehiyo. Naisip ko tuloy na bihira kong makita sa pulong ng mga dekano at bise-presidente sa academics ang director ng HR. Parang iba ang mundo ng mga academic na mga lider sa mundo ng HR, na karaniwang mga non-academic staff lamang ang inaalagaan.

Naisip ko tuloy na paano nga malalaman ng HR kung anong uri ng secretarya ang kailangan ng isang tagapangulo ng isang departamento kung walang ideya ang HR director kung ano ang balak ng departamento tungkol sa, halimbawa, accreditation o pagbubukas ng bagong major. Matagal din akong naging tagapangulo ng iba’t ibang departamentong may kinalaman sa literatura at mga publikasyon sa Pamantasang De La Salle, at lagi kong inaaway ang aming HR doon dahil kung sino-sino ang ipinadadalang sekretarya ko. Minsan lang akong pinadalhan ng sekretaryang nagbabasa ng libro o ng mga dyurnal o kahit na anong publikasyon bukod sa tabloid.

Ikalawang aspekto daw ng HR, ayon pa rin sa misis ko, ay ang Recruitment, Selection, at Placement, na para sa ating nasa kolehiyo ay may kinalaman lamang sa non-academic staff. Pero may mapupulot din tayong mga nasa bahaging academiko. Paano ba tayo nakakakuha ng titser para sa ating mga klase? Bihira naman sa atin ang ginagawa ang ginagawa ng HR, halimbawa’y nagpupunta sa mga agency o headhunter o nagpapalathala ng mga classified ads. Maraming matutuhan ang mga tagapangulo ng mga departamento at pati na rin mga dekano mula sa direktor ng HR. Sa halip ng karaniwang ginagawa natin, halimbawa’y tinatawagan lamang ang mga kaibigan natin at tinatanong kung may kilala silang marunong magturo ng ganito o ganoong sabject, ay puwede naman nating gawin ang karaniwang ginagawa ng HR. Karamihan sa mga nakukuha nilang mga empleyado ay hindi nila kaibigan.

Ikatlong aspekto daw ng HR, ayon pa rin sa misis ko, ay ang Training and Development. Dito medyo may alam kaming mga nasa bahaging akademiko. Madalas kaming nagpapadala ng mga faculty sa iba’t ibang kumperensya o workshop, kung minsan pa nga ay sa labas ng bansa. Pero teka muna, ilan sa mga dekano at pati na rin bise presidente ang may nakasulat na programa na nagsasabing kailangang magpadala tayo ng titser sa ganitong kumperensya dahil makabubuti sa atin. Makabubuti hindi lamang sa paramihan ng naipadala natin, dahil sa accreditation ay tinatanong kung ilan ang pinondohan nating pumupunta sa mga seminar. Makabubuti dahil malinaw na kailangan ng isang major program natin ang eksperto sa paksa ng isang kumperensya o workshop na alam nating magkakaroon isang taon pa bago ito mangyari.

May alam akong maliit na paaralan na laging may nananalong titser sa Metrobank Search for Outstanding Teachers. Nang usisain ko kung bakit ang daming Outstanding Teacher doon sa maliit na paaralang iyon, natuklasan ko na may long-term plan ang namamahala doon para sa mga titser niya. Ang ginagawa niya ay may sinasabihan siyang isang titser bawat taon, ikaw ang ilalaban natin sa taong ito sa Metrobank. Ang lahat ng puwedeng puntahang seminar ay pupuntahan mo. Ang mga akda mo ay ilalathala natin. Ang ibibigay ko sa iyong mga klase ay iyung kayang-kaya mo, para siguradong mataas ang student evaluation mo. Tuturuan ka naming magsalita para ma-impress sa iyo ang mga hurado sa oral interview. Ayun na nga, madalas silang manalo sa Metrobank, at kumikita pa ang paaralan, dahil may premyo din ang paaralan kung titser nila ang mapipili. Iyan ang tinatawag na Development Plan. Bihira, kung mayroon man, ang mga pamantasang may ganyang Training and Development Plan para sa mga titser. Pero laging mayroon ang HR para sa mga non-academic staff.

Ikapat na aspekto daw ng HR, ayon sa misis ko, ang Employee Relations, o sa ibang salita, ang pakikipagbalitaktakan sa unyon. Kung walang unyon, ang pagiging close sa mga empleyado at faculty. Pinag-aaralan pala iyan ng mga eksperto sa HR, pero sa mga tagapangulo ng departamento, oido lang yan. Kung masungit ka talaga, masungit ka talaga. Kung simpatiko ka, simpatiko ka. Ilang mga departamento ang nagkawatak-watak dahil hindi kaya ng tagapangulo na pagbatiin ang mga nag-iintrigahang mga titser. Marami rin tayong matutuhan sa HR tungkol sa Employee Relations.

Sa ikalimang aspekto ng HR, may utos sa akin ang misis ko. Sa aspekto ng Compensation and Benefits, kasama na ang Payroll, ang bilin sa akin ng misis ko ay ito: sabihin ko raw sa inyo na ang pinakamalaking kasalanan ng HR sa mga kolehiyo ay ang pagtrato nila sa mga titser na parang pagtrato nila sa empleyado. Halimbawa’y inoorasan nila, kapag walang pasok dahil bagyo ay hindi nila binabayaran, kahit na nagbabayad naman ang mga estudyante.

Oo nga naman, sabi ko. Iba ang titser sa non-academic. Alam nating lahat kung ano ang pagkakaiba. Unang-una’y may katungkulan ang titser na kwestyunin ang lahat ng bagay, dahil sila ang tumutupad ng katungkulan ng lahat ng unibersidad sa mundo, ang sinasabi sa Ingles na “to challenge received wisdom.” Kaya tayo may mga unibersidad sa mundo ay dahil kailangang may nag-iisip kung paano maaaring ibahin ang takbo ng mundo. Kung walang papalag sa mga tuntunin ng mundo ay hindi uunlad ang mundo. Kasama sa pagiging mapangahas, pagiging makulit, pagiging laging humihirit laban sa nakagawiang gawi, ang mga titser. Kung laging sumusunod ang isang titser sa nakagawian o sa mga batas ng eskuwela o kahit na ng lipunan ay walang mangyayari sa mundo. Napatunayan na iyan sa iba’t ibang bansa sa kasaysayan ng mundo. Ang unibersidad ang utak ng mundo.

Ngayon, kung pipilitin ang mga titser na sumunod sa mga pinasusunod ng HR sa mga empleyado, nawawala ang pagiging mapangahas ng utak ng titser. Iyan ang teyoretikal na dahilan kung bakit mali ang pagpataw sa mga titser ng mga regulasyon na pinasusunod natin sa mga non-academic.

Ang ikaanim at pinakahuling aspekto ng HR, ayon pa rin ito sa misis ko, ay ang Organizational Development. Dito ay malaki ang problema ng ating mga unibersidad. Nilalalahat ko ang ating mga unibersidad, hindi lang ang maliliit kundi pati na ang mga nangunguna nating mga HEI. Kapag inuupuan ng isang unibersidad ang kanyang Strategic Plan, sino ang karaniwang nauupo? Iyung mga administrador lamang, o iyung mga may-ari ng unibersidad. Paminsan-minsan, dahil sa accreditasyon, ay napipilitang kunwari’y kinukunsulta ang mga titser, ang mga estudyante, ang mga magulang, ang mga alumni. Hindi puwede iyan ayon sa teyoriya. Kailangang kasama lahat sa paghubog ng kinabukasan ng isang institusyon.

Ayun na. Natapos na rin ang mga bilin sa akin ng misis ko. Ngayon naman ay iisisahin ko ang mga pambansa at pandaigdigang pagbabago na nangyayari ngayon. Ang mga National at Global Educational Changes na kailangan ninyong talakayin sa kumbensyong ito.

Unahin natin ang National Educational Changes.

Pinakamalaking pagbabago ay ang K to 12 na reporma ng edukasyon. Hindi ito panayam tungkol sa K to 12, kaya ang payo ko sa inyo ay dumalo kayo sa isa sa marami kong panayam tungkol dito, o basahin ninyo ang kolum ko sa Philippine Star, o ang creative nonfiction o nobela ko sa Pilipino Mirror. Ang sasabihin ko lang dito ay hindi reporma ng DepEd ang K to 12, kundi reporma ng buong sistema ng edukasyon.

Nagdagdag tayo ng isang taon bago Grade 1. Noon naman ay may Pre-School, Nursery, Kinder 1, Kinder 2, o Prep ang marami sa ating mga pribadong paaralan. Ang pagbabago lamang ay sapilitan nang pinapag-aral ng Kindergarten ang mga pumapasok sa public school. May problema kaagad ang ating HR dito. Hindi lahat ng nanay o tatay ay puwedeng magturo sa Kindergarten, at lalo naman hindi lahat ng dalaga’t binata na hindi pa nakapagpapalaki ng bata. At mas mahalaga, hindi lahat ng titser ay puwedeng magturo ng Kindergarten. May espesyal na training ang kailangan, ang digri sa Early Childhood Education. Kaunti lamang ang may digri na ganyan. Kailangang magkaroon ng Manpower Planning ang mga adminstrador ng mga paaralan natin. Kailangang lakihan ang enrolment sa mga Teacher Education Institution o TEI ng mga nage-specialize sa Early Childhood. Halos dalawang milyon ang batang limang taon ang gulang. Dahil hindi puwedeng malalaki ang klase sa Kindergarten, i-divide ninyo ang two million ng twenty, at iyan ang bilang ng mga titser na kailangang may digri sa Early Childhood na kakailanganin ng DepEd. Training and Development iyan. Recruitment, Selection at Placement iyan. HR iyan.

Nagdagdag tayo ng dalawang tao pagkatapos ng Grade 10 o Fourth Year High School. Iyan ang Senior High School o Grade 11 at Grade 12. Naku, ang laking problema niyan sa larangan ng HR. Karamihan sa mga sabject sa General Education Curriculum ng kolehiyo ay mawawala sa kolehiyo at mapupunta sa K to 12. Magkakagulo ang mga unyon sa kolehiyo, dahil mawawalan ng load ang mga titser sa Ingles, Filipino, Matematika, Syensya, at Social Science. Pati NSTP at PE ay ililipat na lahat sa K to 12. Mawawalan din ng trabaho ang mga nagtuturo ng NSTP at PE sa kolehiyo. Patay kayo sa Employee Relations ninyo. Lagot kayo sa Compensation at Benefits, dahil kailangang may separation pay ang mga iyan, kahit na redundant na sila.

Hindi lang ang mga mawawalan ng trabaho sa mga kolehiyo ang problema ninyo. Problema din ninyo ang paghahanap ng mga titser para sa Senior High School, na itatatag sa buong bansa sa 2016. Hindi puwedeng magturo ng Senior High School ang mga nasa Junior High School o mga hayskul titser sa kasalukuyan. Bakit? Dahil wala na silang oras magturo ng dagdag na Grade 11 at Grade 12. Dahil hindi sila handang magturo ng mga sabject na galing sa kolehiyo. Sa madaling salita’y may gagawin na naman kayong Manpower Planning, Recruitment, Selection, at Placement, at Training and Development.

Sa mga administrador, problema ng Organizational Development ang Senior High School. Bakit? Dahil kailangang kumita ang isang eskuwela, nonprofit man siya. Kung hindi ay walang isusuweldo sa mga titser at empleyado, hindi mababayaran ang kuryente at iba pa. Kailangang upuan ng mga may-ari ng lahat ng HEI ngayon, lalo na ang mga HEI na may kakabit na Basic Education, ang Senior High School. Magtatayo ba kayo ng sarili ninyong Senior High School? Saan ninyo kukunin ang perang pagpapatayo ng dagdag na klasrum at pambayad sa dagdag na titser? Kung may mga sobrang klasrum kayo, suwerte kayo, pero problema pa rin ninyo ang suweldo ng mga titser. Paano ninyo kukumbinsihin ang mga titser sa kolehiyo na kailangang lumiit ang suweldo nila ngayong titser na sila sa hayskul? Kung hindi ninyo naman liliiitan ang suweldo nila, kailangan ninyong harapin ang mga kasalukuyang titser sa hayskul na siguradong aalma. Problema iyan ng Compensation and Benefits at ng Employee Relations.

At nariyan ang bagong General Education Curriculum o GEC, na magiging sapilitan sa 2018. Ibang-iba ang bagong GEC sa kasalukuyang GEC. Multidisciplinary ang lahat ng sabject sa bagong GEC. Walang titser sa kasalukuyan ang may training sa multidisciplinary na pagtuturo. Problema ninyo iyan sa Training and Development, dahil kailangan ninyong pag-aralin muli ang mga kasalukuyang nagtuturo sa kolehiyo.

Ikalawang malaking pagbabago sa ating sistema ng edukasyon ang Daang Matuwid. Aminin na natin na sangkot din tayong mga nasa academya sa korupsyon na umiiral sa ating bansa. Ilan ang mga kamag-anak na kinukuha nating titser o empleyado sa ating mga institusyon? Nepotism iyan, korupsyon iyan. Ilan sa mga textbook natin ang ginagamit lamang natin dahil binigyan tayo ng airconditioner ng pablisher? Suhol iyan, baluktot iyan. Ilan sa mga estudyante natin ang pinapasa lamang natin dahil kasama sila sa basketball team? O dahil iniiyakan tayo ng mga magulang nila? O kung minsan pa nga ay dahil type natin sila? Foul iyan, hindi matuwid na daan iyan. At sa mga dumadaan sa accreditation at quality assessment, ilan sa ating mga administrador ang nagpapalinis ng kampus, nagpapapinta ng mga building, nagkakaroon ng Fire Drill, dahil lamang darating na ang mga taga PAASCU, PACUCOA, o IQuAME? Bad iyan, pagsisinungaling iyan. Sa Organizational Development ay problema iyan ng Core Values ng ating mga paaralan.

Ang ikatlong malaking pagbabago sa ating bansa ay ang pagiging madalas at malupit ng ulan, baha, habagat, at bagyo. Madalas na napipilitan tayong huwag magkaroon ng klase dahil baha sa kampus o baha sa tinitirhan ng mga titser at mga estudyante o may mga mahihirap na sa kampus natin muna tumitira. Hindi puwede ang nakagawian na nating patakaran ng kailangang mga make-up classes. Kailangang gamitin natin ang teknolohiya, na isa pang malaking pagbabago.

Hindi na twentieth century ngayon. Twenty-first century na. Halos lahat tayo’y noong nakaraang century ipinanganak. Nineteen forgotten na tayo. Matanda na tayo. Laos na tayo. Ang mga estudyante natin ay ipinanganak na may kompyuter sa kuwarto o sa kamay mismo nila. Sanay ang mga estudyante natin sa cellphone, sa smart phone, sa Facebook, sa Twitter. Marami nang mga lecture ng Harvard, Yale, Stanford, at iba pang mga mahuhusay na unibersidad sa mundo na libreng makukuha sa Web. Hindi na kailangan masyado ang face-to-face, ang eyeball-to-eyeball, ang totoong taong titser na nasa harap ng klasrum. Hindi na kailangang pumasok araw-araw o linggo-linggo ang mga estudyante. Marami na silang puwedeng gawin na kasinghusay at mas bagay sa kanila na mga liksyon. Tama na iyang mga make-up class. Ituloy natin ang klase kahit na nasa bubong sila ng mga bahay nila dahil baha sa lugar nila. Isiipin ninyo iyan. Organizational Development iyan.

Balingan naman natin ang mga pagbabago sa buong daigdig. Una pa rin ang teknolohiya. Dahil nga sa Web, na ngayon ay Cloud na, na ngayon ay puno na ng lahat na kailangang matutuhan ng mga estudyante, ay hindi na puwede ang nakagawian nating mga paraan ng pagtuturo. Halimbawa’y wala nang kabuluhan ang lower-order questions, ang tinatawag nating Who What When Where na mga tanong. Halimbawa, kapag tinanong natin ang estudyante kung kailan nagsimula ang World War II, pipindutin lamang nila ang kanilang smartphone, pupunta sa Google, at malalaman ang sagot. Magmumukhang tanga pa nga ang titser kung tatanungin niya ang tanong na iyon, dahil ipapanood sa kanya ng mga estudyante ang isang documentary na nasa YouTube na may mga litrato ng totoong mga nangyari noong World War II. Ipapanood ng estudyante iyan sa titser sa cellphone lamang. Sa madaling salita’y kailangang magbago ang ating pedagogy. Sa jargon nating mga titser, hindi na puwede ang transmissive, kailangang transformative na. Dahil hindi tinuruan ang mga kasalukyang titser ng Transformative Education noong sila ay nag-B-BSE pa, problema natin iyan sa Training and Development.

Noon pang 2010 ay mas marami nang e-books ang nabenta sa mundo kaysa printed books. Malapit nang mawala ang printed books. Pati nga Powerbooks na noon ay pulos libro lamang ang ibinebenta ay nagbebenta na ngayon ng lapis at papel, at hindi lang lapis at papel kundi mga gamit sa kompyuter. Kailangang baguhin na natin ang ating pananaw sa ating mga textbook. Hindi na puwede ang printed textbook. Ilang taon na lang at mawawala na ang mga iyan. Masakit sa loob ko iyan, dahil publisher ako at awtor pa nga ng mga textbook, pero ganyan na ngayon sa mundo. Ebooks na lahat. Sinimulan na ng DepEd ang paggamit ng mga tablet sa halip na printed textbook. Sa mga pribabong eskuwelahan naman ay sinimulan na ng La Salle Greenhills ang pagtanggal sa mga printed textbook; lahat ng estudyante doon ay nagbabasa na lang sa tablet. Sa Recruitment, Selection at Placement ay kailangang tanungin ang mga aplikante kung may tablet sila. Kung wala ay puwede ba, huwag na ninyong kuning titser. Paiikutan lang sila ng mga estudyante.

Isa pang malaking pagbabago sa mundo na may kinalaman sa edukasyon ay ang Bologna Process at iba pang dambuhalang kilusan sa mundo. Alam na naman ninyo siguro ang Bologna Process, Washington Accord, ASEAN 2015, APEC Register, ISO, at iba pang mga global na kasunduan. Ang kabuuan ng mga ito ay parepareho na ang istandard ng lahat ng unibersidad at paaralan sa mundo. Hindi na UP lamang ang kailangan natin pantayan o talunin kung gusto nating umunlad ang ating unibersidad. Kailangang benchmark natin ang Harvard, Oxford, Stanford, at iba pang nangungunang unibersidad sa mundo. Hindi na puwedeng kurikulum lamang natin ng nursing, pharmacy, accountancy, at iba pa ang iisipin natin. Kailangang pareho na ang kurikulum natin sa kurikulum ng mga major na ito sa mga unibersidad sa America, Europa at iba pang lugar sa mundo. Global na ang mga learning competencies, ang mga rubrics, ang mga istandards. Paano tayo kukuha ng mga titser na sanay magturo na tulad ng mga propesor sa NUS sa Singapore o Yale sa America? Recruitment, Selection, Placement, Training at Development na naman. At Compensation and Benefits din, dahil sa 2015 ay mag-aaplay na sa atin ang mga taga ASEAN at puwede na ring mag-applay ang mga titser natin na magturo sa Singapore, Brunei, at iba pang mga kapitbansa natin. Mas malalaki ang suweldo doon, kaya kailangang lakihan na rin natin ang suweldo ng mga titser natin. At kung gusto talaga nating maging world-class, at wala naman tayong choice kundi maging world-class, kailangang competitive ang sahod natin para makakuha tayo ng mga eksperto mula sa Singapore, Thailand, Malaysia, at iba pa.

Isa pang malaking pagbabago ang Online Education. Noong panahon natin, noong nakaraang century, kapag ang digri mo ay galing sa distance education, na ang tawag pa nga natin ay Correspondence Course, ay mahinang klase ka. Mababa ang tingin natin sa mga hindi talaga pumasok sa klasrum. Ngayon ay lahat ng mga sikat na unibersidad by may mga Online Course na, kasama na riyan ang Harvard, MIT, at iba pa. Hindi na second-class citizen ang mga nag-gradweyt sa Online Course. Sa katunayan ay pati na nga mga istandard na test, tulad ng TOEFL at GRE, ay sa kompyuter na lang kinukuha. Panahon na para magkaroon ng totohanang mga online major offerings ang ating mga unibersidad. Ipagyayabang ko ang aking sariling eskuwelahan. Sa The Manila Times College ay may kampus kami sa Subic sa Olongapo. Ang isa sa mga English na klase doon ay tinuturo ng isang titser ko dito sa kampus sa Intramuros. Paano? Sa Skype. Maliit na eskuwelahan lamang kami. Small-time, pero napilitan kaming gumamit ng teknolohiya para maging mas epektibo ang pagtuturo namin sa dalawa naming kampus. Ganyan ang wave of the future. Isa pa, sa totoong online course, halimbawa ang ginagawa ng UP Open University, ang mga estudyante ay hindi lamang Filipino, kundi mga banyaga na nakatira sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Malaking problema iyan sa Manpower Planning, dahil ibang klaseng tao ang puwedeng magturo online. Problema rin ng Training and Development.

At nariyan ang Outcomes-Based Education, na ipinipilit ng Tagapangulo ng CHED na dapat ay hindi capitalized, para hindi maging parang UBD o sapilitang paggamit ng iisang uri ng pedagogy. Outcomes-based na kasi sa maraming unibersidad at paaralan sa mundo, dahil nga ang tinitingnan ngayon ay ang mga global standards na nakikita lamang natin pagkatapos at hindi bago pumasok ang estudyante sa klase. Malaking pagbabago iyan. Sanay kasi tayo na tanungin kung ano ang mga qualification ng titser, kung ano ang teaching strategy, kung ano ang textbook o instructional materials na ginagamit, at iba pang maaari nating tingnan bago mag-graduate ang estudyante. Pero ang hinahanap ng mga nagbibigay ng trabaho sa mundo ay kung ano ang kayang gawin ng estudyante pagkatapos ng pag-aaral niya. Sa totoo lang ay ganoon nga ang gusto sanang gawin ng UBD, na ang dapat isipin muna ay kung saan ba pupunta ang edukasyon at hindi kung paano tayo darating doon, pero kaya lang, medyo mali ang dating sa madla ng UBD kaya hindi naintindihan kung bakit okey sana siya. At medyo mali rin ang dating sa madla ngayon ng OBE at pati na rin ang Typology, kaya nawawala ang galing nito dahil sa galit ng hindi naman nakakaintindi.

Ang pinakamalaking pagbabago ay hindi na bago, dahil noon pang nakaraaang century sinimulan ito – ang Education for All. Malaki itong pagbabago dahil noong araw, ang edukasyon ay para lamang sa iilan, kundi sa mga may pera ay sa mga may utak. Pero hindi na maaaring iilan lamang sa mundo ang may kaalaman. Kailangang empowered ang lahat. Hindi uunlad ang mundo kung iilan lamang sa atin ang nagbubukod o nagse-segregate ng basura. Hindi uunlad ang mundo kung iilan lamang sa atin ang nagtatayo ng bahay natin sa mga lugar na walang earthquake fault line o hindi malapit sa ilog na aapaw kung bagyo o hindi masyadong gumagamit ng fossil fuel at sa halip ay environment-friendly. Kailangang lahat ng tao sa mundo ay may alam tungkol sa mga panganib na hinaharap ng sangkatauhan. Kaya nga Education for All. Sa ating bansa, ang sagot natin diyan ay K to 12, dahil kung magiging tagumpay ang repormang ito, ang lahat ng limang taong gulang ay papasok sa Kindergarten, ang halos lahat ng pumasok sa Kindergarten ay magpapatuloy hanggang Grade 12, samakatwid ay bababa ang drop-out rate dahil mas relevant ang kurikulum at mas trained ang mga titser, at magkakaroon ng trabaho kaagad ang karamihan sa ating mga kababayan dahil nakaabang na sa kanila ang mga kompanya at mas madali silang makapagtayo ng kanilang sariling negosyo kung gusto nila dahil may magbibigay sa kanila ng kapital o pondo. Sa madaling salita, dahil sa K to 12, ay matutupad ang pangako natin sa UNESCO na tuturuan natin ang lahat ng Filipino.

Napakalaki ng papel ng HR, ng Manpower Planning, Recruitment, Selection, at Placement, Training and Development, Employee Relations, Compensation and Benefits, at Organizational Development, napakalaki ng papel ng mga administrador, titser, non-academic, at pati na mga estudyante, magulang, at alumni, napakalaki ng papel ng mga namamahala sa DepEd, CHED, at TESDA, sa pag-unlad ng ating edukasyon para makasabay tayo sa takbo ng panahon sa labas ng ating bansa.

Sa loob ng dalawang araw ay tatalakayin ninyo ang mga aspekto ng HR at ang mga pagbabago sa ating bansa at sa buong mundo. Maraming mga dalubhasa ang magbibigay sa inyo ng mahahalagang impormasyon at estratehiya para makaahon, sa wakas, ang sistem ng edukasyon sa ating minamahal na Filipinas. Mabuhay po kayong lahat!

(Delivered as the Keynote Address at the 13th National Convention of the Asian Association of School Human Resource Management and Development Practitioners, Inc., Diamond Hotel, Manila, on 23 August 2012)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *